Kasabay ng pagdiriwang sa Meat Safety Consciousness Week, ilulunsad ng National Meat Inspection Service (NMIS) RO2 ang “Pinoy Pork Safe” bilang patunay na ligtas kumain ng karneng baboy.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ronnie Ernes Duque, director nag NMIS-RO2 na layon nitong kumbinsihin at bigyang kaalaman ang publiko na hindi dapat matakot na kumain ng karne ng baboy sa harap ng African Swine Fever (ASF) sapagkat nananatiling ligtas sa naturang sakit ang Cagayan.
Hinimok ni Duque ang mamimili na magtiwala sa mga kinauukulan kasabay ng pagtitiyak na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang hindi maapektuhan ng naturang krisis ang pagbababuyan rehiyon.
Patuloy pa din ang Department of Agriculture at Bureau of Animal Industry sa implementasyon ng check points sa mga nagbi-biyahe ng baboy palabas at papasok ng region 2.
Samantala, ang selebrasyon ng Meat Safety Consciousness Week ay nagsimula ngayong araw, Oktubre 14 na magtatagal hanggang Oktubre 18 upang maipabatid ang responsibilidad ng NMIS na tiyaking ligtas ang kinukonsumong karne ng mamamayan bilang pagtalima sa R.A. 10611 or the Food Safety Act of 2013.
Ang taunang selebrasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 276 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na nag-aatas sa NMIS na pangunahan taun-taon ang paggunita nito at magsagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa pagkain ng ligtas at malinis na karne.