Tiniyak ng National Irrigation Administration (NIA) Region 2 na hindi mababalewala ang mga pinoy na nangangailangan ng trabaho sa ipinapatayong Chico River Pump Irrigation Project sa boundary ng Pinukpok, Kalinga at Tuao, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, binigyang diin ni Engr. Roland Apaga, Acting Project Manager ng irrigation project na mayorya sa mga magta-trabaho sa proyekto ay mga Pilipino.

Sa katunayan ay ipinabatid nila ito sa mga munisipalidad na madadaanan ng proyekto para mabigyan ng pagkakataon ang mga skilled workers na mag-apply at mapabilang sa work force.

Nilinaw ni Apaga na ang mga namataang 50 Chinese ay ang mga implementer ng proyekto dahil nai-award ang proyekto sa Chinese contractor na China CAMC Engineering Corporation.

Dagdag ni Apaga na daan-daan lokal na trabahador ang kukunin para sa konstruksiyon ng nasabing proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang matatapos sa loob ng tatlong taon ang naturang irrigation project na inumpisahan nitong Hunyo 2018.