Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang kababayan na turista na lalaki ang namatay matapos na mabangga ng taxi cab sa labas ng hotel sa Tsuen Wan West, Hong Kong, noong Aug. 5.
Ayon sa DFA, ang report ay mula sa Consulate General of the Philippines sa Hong Kong, kung saan sinabing nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang 80-anyos na taxi driver.
Sinabi ng DFA na nakikipag-ugnayan na ang Consulate General sa Hong Kong Police Force habang kasalukuyan ang imbestigasyon sa insidente.
Batay sa news reports sa Hong Kong, kalalabas lang ng biktima sa hotel.
Bitbit niya ang kanyang bagahe at hinahanap ang kanyang mobile phone nang biglang binangga ng taxi ang harapan ng hotel at tinamaan siya.
Natumba ang biktima at naipit siya sa pagitan ng taxi at muwebles na pader ng hotel.
Dinala ang biktima sa Princess Margaret Hospital, kung saan siya binawian ng buhay.
Nagtamo naman ng minor injuries ang taxi driver.
Sa imbestigasyon, sinabi ng driver na naghihintay umano siya sa labas ng hotel nang makaramdam siya ng pagkahilo at tinangka na umalis sa lugar.
Subalit nawalan siya ng kontrol sa kanyang sasakyan na nagresulta sa nasabing insidente.
Ayon sa Philippine Consulate General, nasa Kwai Chung Public Mortuary ang biktima.
Inaasahan naman na pupunta sa Hong Kong ang pamilya ng biktima para iuwi ang bangkay ng kanilang kaanak.