Inaalam na ng Department of Agriculture (DA) ang pinsala ng El Niño lalo na sa corn industry sa rehiyon dos.
Ayon kay Rose Mary Aquino ng DA-RO2 na posibleng malaki ang epekto sa suplay ng mais dahil sa kawalan ng tubig-ulan lalo na sa mga umulit na nagtanim matapos ang naranasang malawakang pagbaha.
Kasabay nito, pinag-aaralan na ng kagawaran kung paano ito masosolusyonan bilang bahagi ng kanilang El Niño rehabilitation tulad ng pagbibigay ng libreng binhi na magagamit sa susunod na pagtatanim, crop insurance at iba pa.
Sinabi ni Aquino na Enero pa lang nang ilatag ng Agriculture department ang kanilang mga programa sa mga apektadong magsasaka.
Sa ngayon, patuloy na nagsusumite ang mga city at municipal agriculturist sa lambak ng Cagayan para sa tinatayang pinsala sa agrikultura ng tagtuyot.
Pinayuhan din ni Aquino ang mga magsasaka na ituloy lamang ang mga aktibidad sa kanilang mga sakahan dahil kabilang ang mga ito sa maaaring magtrabaho sa kabila ng ipinapatupad na enhanced community quarantine.
Dalhin lamang aniya ang mga kinakailangang dokumento at obserbahan ang social distancing.