Umabot na sa ₱8.57 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dulot ng El Niño, batay sa pinakahuling pagtataya ng Department of Agriculture (DA).

Sa kabuuang halaga, pinakamalaki ang naitalang pagkalugi sa mais na umabot sa ₱5 bilyon, kasunod ang palay na may ₱2.95 bilyon.

Nakapagtala rin ng ₱571.28 milyon na pagkalugi sa mga high-value crops gaya ng gulay, pampalasa, saging at pinya. Samantala, umabot sa ₱37.75 milyon ang pinsala sa paghahayupan, habang ₱5 milyon naman ang naitala sa kamoteng-kahoy.

Ayon sa DA, nasa 288,058 magsasaka ang naapektuhan at 291,154 ektarya ng lupang sakahan ang napinsala. Gayunman, kailangan pang beripikahin ang mga naitalang bilang.

Sa kabila nito, nakapagbigay na ang ahensya ng ₱11.34 bilyong halaga ng tulong at interbensyon para sa mga apektadong magsasaka, kabilang ang mga binhi, pataba at iba pang agricultural inputs. Maaari ring humingi ng indemnity ang mga magsasakang nakaseguro sa Philippine Crop Insurance Corporation.

-- ADVERTISEMENT --

Nagsagawa rin ng cloud seeding operations at nagkabit ng mga water pump sa ilang lugar upang makatulong sa suplay ng tubig sa gitna ng epekto ng El Niño.