Lalong madagdagan ang pinsala sa sektor ng agrikultura kung tutumbukin ng bagyong Marce ang lalawigan ng Cagayan at tuluyang mag-landfall sa mainland.
Sinabi ni Rueli Rapsing, head ng Provincial and Disaster Risk Reduction Management Office (PDDRMO) na umabot sa mahigit P1 billion ang pinsala na iniwan ng bagyong Julina, Kristine at Leon sa lalawigan.
Ayon sa kanya, madagdagan na naman ito kung sa mailand Cagayan ang landfall ng bagyong Marce, bukod pa sa pinsala sa imprastraktura.
Sinabi niya na ang mga magsasaka ang pinakakawawa sa pananalasa ng sunod-sunod na bagyo sa lalawigan.
Samantala, sinabi ni Rapsing na nagsagawa na sila ng Pre-disaster risk assessment kasama ang kaukulang ahensiya ng pamahalaan at local government units, kung saan tinalakay ang mga gagawing paghahanda sa anomang sitwasyon sa banta ng bagyong Marce.
Ayon sa kanya, muli silang magsasagawa ng pulong upang mailatag na sa lahat ang mga kailangang paghahanda upang maiwasan ang malaking impact ng bagyo dahil sa posibilidad na magiging kasing-lakas ito ng bagyong Ompong noong 2018 na nag-iwan ng malaking pinsala sa Cagayan.
Sinabi niya na nasa red alert status na ang lalawigan sa kabila na hindi pa ramdam ang bagyo, na nangangahulugan na ipatutupad ang Charlie response protocol o pagsasagawa ng forced evacuation kung kinakailangan.