Umakyat na sa mahigit P94M ang pinsalang iniwan ng bagyong Goring sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa probinsya ng Cagayan.

Sa huling datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Cagayan, nasa 2,073 farmers ang naapektohan at nasira ang kanilang mga pananim na mais na mga nasa reproductive hanggang maturity stage na kung saan aabot sa 2,433 hectares ang lawak ng napinsala na nasa higit P21.5M ang halaga.

Sa palay ay umabot naman sa mahigit P72.8M ang inisyal na halaga ng nasira mula sa 5,978 hectares na taniman at ang mga ito ay nasa seedling to reproductive stage na rin at apektado dito ang 4,192 farmers.

Sa palaisdaan ay umaabot naman sa 30 mangingisda ang apektado at nasa 15 units ng fishing boats ang nasira at sa inisyal na datos ay aabot sa higit P956K ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyo.

Sinabi ni Rueli Rapsing, head ng PDRRMO Cagayan na ang naturang halaga ay inisyal pa lamang at sa oras na maisumiti ng lahat ng MDRRMO sa bawat bayan ang kanilang mga datos ay posible pa itong tumaas at madagdagan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay inihahanda na aniya ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang mga kaukulang tulong na ipapaabot sa lahat ng mga apektadong magsasaka.

Samantala, kasabay ng bahagyang paghupa ng tubig baha ay nakauwi na sa kani-kanilang kabahayan ang maraming mga evacuees sa ibat ibang mga bayan maliban na lamang sa 30 pamilyang nasa Cabuluan, Alcala dahil kinakailangan pang dumaan sa evaluation ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at ng provincial Engineering office ang lupa na kinatitirikan ng kanilang bahay para sa kanilang kaligtasan.