Umaabot sa halos P80M ang iniwang pinsala ng bagyong Goring sa mga pananim na palay sa mga sakahan na sineserbisyuhan ng National Irrigation Administration o NIA Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Geffrey Catulin, Irrigation Management Officer ng NIA Cagayan – Batanes, umaabot sa kabuuang P79, 089,000 ang pinsala sa nasa 8,579 na ektarya na sinasaka ng nasa 7,790 na magsasaka.

Mayroon ding naitalang mahigit P106M na pinsala sa mga irrigation facilities.

Ang nasabing datos ay mula sa pinagsamang pinsala mula sa 13 National Irrigation System at 12 Communal Irrigation System na karamihan ay sa mga bayan ng Gonzaga at Sta Ana, Cagayan.

Ito na umano ang pinal na datos kung saan naipasa na rin ito sa Office of Civil Defense at sa kanilang Central Office para sa agarang pagbaba ng pondo sa gagawing pagkukumpuni sa mga nasirang pasilidad.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sa kabila ng naging epekto ng bagyo ay naging beneficial naman ang hatid na ulan sa ibang lugar kung saan makakatulong ito sa mga nasa vegetative stage at sa mga rainfed areas.

Sapat na rin umano ang naipong tubig sa mga dam na magagamit bilang paghahanda sa epekto ng El Nino.

Samantala, magiging malaking tulong rin umano para sa lalawigan ng Batanes ang mga naipong tubig na dala ng mga pag uulan dulot ng mga nagdaang bagyo.