Aabot sa mahigit P34 milyon ang naitalang pinsala sa sektor ng pangisdaan sa Region 2 sa kasagsagan ng Bagyong Kristine, ayon kay Cheysserr Perucho Garcia, OIC- Planning Officer ng BFAR Region 2 at Disaster Risk Management Report Officer.

Kabilang sa mga napinsala ay hindi lamang mga bangka at lambat kundi pati na rin ang mga alagaang isda tulad ng tilapia, hito, karpa, at crabs.

Pinakaapektado aniya ang probinsiya ng Isabela, na may naitalang pinsala na mahigit P25 milyon habang sumunod ang probinsiya ng Cagayan na may P3 milyon na halaga ng pinsala, at ang Quirino province na nakapagtala ng halos P4 milyon at pinakamababa naman ang Nueva Vizcaya.

Ayon kay Garcia partikular na naapektuhan sa Isabela ang mga nag-aalaga ng tilapia, na nakaranas ng pagbaha at pagtakas ng mga isda kung saam base sa report ay nasa 501 fisherfolks ang naitalang naapektuhan sa probinsya.

Bukod dito, nasira rin ang mga kagamitan sa pangisdaan, kabilang ang motorized at non-motorized boats, pati na rin ang mga lambat at fish cages habang wala namang naitalang fish kill sa kasagsagan ng bagyong Kristine.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabuuan, umabot sa 907 fisherfolks sa Lambak ng Cagayan ang naapektuhan ng bagyo habang mayroon ding 102 fisherfolks na naapektuhan sa Batanes noong kasagsagan ng Bagyong Julian.

Dahil dito ay inaasahang maaapektuhan aniya ang suplay ng lokal na isda sa Region 2, ngunit may posibilidad na magdagsaan ang mga isda mula sa mga karatig na rehiyon tulad ng Region 1 at 3 upang punan ang kakulangan.

Naghahanda na rin ang BFAR para sa pamamahagi ng food assistance packages sa mga naitalang fisherfolks at nakapagsumite na ng rehabilitation plan na umabot sa halagang P20 milyon.

Umaasa naman ang BFAR na popondohan ito ng Department of Agriculture sa ilalim ng kanilang quick response fund upang makatulong sa mga naapektuhang mangingisda.

Sa sandaling makuha ang pondo, plano ng BFAR na magbigay ng semilya para sa mga fishpond owners at palitan ang mga nasirang kagamitan tulad ng mga bangka, lambat, at fish cages.

Aniya ang mga damaged facilities, kabilang ang technology stations, ay isasama rin sa rehabilitasyon sa ilalim ng plano ng BFAR na isinumite sa Office of Civil Defense at Department of Agriculture.