Pumanaw na sa edad na 101 si Russell M. Nelson, pangulo ng The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (LDS) o mas kilala bilang Mormon Church, nitong Sabado ng gabi sa kanyang tahanan sa Salt Lake City, ayon sa pahayag ng simbahan.

Si Nelson, isang dating heart surgeon, ay nagsilbi bilang ika-17 pangulo ng simbahan mula pa noong Enero 2018, matapos humalili kay Thomas Monson. Siya ang naging pinakamatandang presidente sa kasaysayan ng LDS Church, matapos pamunuan ang samahan hanggang sa kanyang pagpanaw.

Bago maging pangulo, nakilala si Nelson sa kanyang mahigpit na paninindigan sa ilang isyu, kabilang ang pagturing sa same-sex married couples bilang “apostates” at pagbabawal sa kanilang mga anak na makibahagi sa mga ritwal ng simbahan, bagama’t binawi rin ang patakarang ito kalaunan.

Isa rin sa kanyang naging direksyon ang pagtutol sa paggamit ng mga katawagang “LDS” at “Mormons” bilang shorthand sa simbahan.

Ayon sa tradisyon ng simbahan, ang kanyang kakahalili ay pipiliin ng Quorum of the Twelve Apostles matapos ang libing.

-- ADVERTISEMENT --

Naiwan ni Nelson ang kanyang asawa, walo sa kanyang mga anak, 57 apo, at higit sa 167 apo sa tuhod.

Sa kasalukuyan, tinatayang may mahigit 17.5 milyong miyembro ang simbahan na itinatag noong 1830 at nakabatay sa doktrina ng Book of Mormon bilang dagdag na pahayag sa mga turo ni Jesucristo.