TUGUEGARAO CITY-Naging emosyonal ang isang miembro ng militar na isa ring ina sa pag-alala ng kanyang anak na malayo sa kaniyang piling kapalit nang paggampan sa sinumpaang tungkulin sa gobyerno.
Sa naging panayam kay Major Lou Lara, Commander of Media and Civil Affairs Group (MCAG) ng Armed Forces of the Philippines, pinili nilang mag-asawa na isa ring miembro ng AFP na dalhin sa kanilang probinsiya ang kanilang nag-iisang anak na dalawang taong gulang dahil sa takot na mahawaan ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic.
Ayon kay Lara, iba’t-ibang tao ang kanilang nakakasalamuha habang ginagawa ang kanilang tungkulin kung saan malaki ang tiyansa na sila’y mahawaan ng virus.
Aniya, mas pipiliin na lamang niyang malayo sa kanilang anak kaysa mahawaan ng covid-19 dahil sa kanila.
Mahirap para sa kanya ang sitwasyon nilang mag-ina dahil ito ang unang pagkakataon na sila’y magkalayo ng mahabang panahon.
Napapatanong na rin umano si Lara sa kanyang sarili kung tama pa ba ang kanyang ginagawa na inuuna ang pagtulong sa kapwa gayong ang kanyang sariling anak ay hindi niya mabigyan ng oras.
Ngunit, sa tuwing may inaabutan sila ng tulong lalo na ang mga mahihirap ay dito umano lumalakas ang kanyang loob na ipagpatuloy ang kanyang tungkulin dahil hindi lamang pagkain ang kanilang ibinibigay kundi pag-asa.
Umaasa si Lara na pagdating ng araw ay maiintindihan din ng kanyang anak ang kanilang sitwasyon.
Kaugnay nito, nanawagan si Lara sa publiko na sumunod sa mga alituntunin ng gobyerno para hindi na kumalat ang virus at muli ng babalik sa normal ang lahat.
Ang grupo ni Lara ay kasalukuyang nagpapakain sa mga residente ng Parañaque City gamit ang mobile kitchen ng AFP at nasa apat na libo ang kanilang pinapakain sa isang araw.
Sinabi ni Lara na ito na ang ika-pitong lungsod na kanilang naabutan ng tulong katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).