
Bumaba sa ₱60.1 kada dolyar ang halaga ng piso nitong Miyerkules mula sa ₱59.95 noong nakaraang araw, kasunod ng deklarasyon ng pamahalaan ng national energy emergency sa gitna ng patuloy na tensyon at armadong sigalot sa Middle East.
Sa datos ng kalakalan, umabot sa pinakamahinang antas na ₱60.133 ang piso habang ang pinakamalakas nito sa araw ay ₱59.888.
Ayon sa mga ekonomista, kabilang ang mula sa sektor ng pagbabangko, nakaapekto sa paghina ng piso ang pangamba sa tumataas na presyo ng langis at posibleng pagtaas ng inflation, lalo na’t inaasahang magtutuluy-tuloy ang pagmahal ng produktong petrolyo sa mga susunod na buwan.
Sa ilalim ng Executive Order No. 110, iniutos ng administrasyon ang pagpapatupad ng isang komprehensibong programa upang suportahan ang mga sektor na maaapektuhan ng krisis sa enerhiya.
Layunin nitong tiyakin ang sapat na suplay ng enerhiya, gayundin ang proteksyon sa transportasyon, agrikultura, at maliliit na negosyo.
Nagbabala rin ang mga economic managers na posibleng umabot sa double-digit ang inflation kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa pinakamatinding senaryo, maaaring pumalo sa mahigit ₱160 kada litro ang diesel kung aabot sa $200 kada bariles ang krudo.
Noong Pebrero, naitala ang inflation rate sa 2.4%, na mas mataas kumpara sa mga nakaraang buwan, dulot ng pagmahal ng pagkain, utilities, at iba pang pangunahing bilihin.
Patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon habang naghahanda ng mga hakbang upang mabawasan ang epekto nito sa ekonomiya at sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.










