
Maaaring humina pa ang piso laban sa dolyar at sumubok ng bagong rekord-low sa mga susunod na araw, ayon sa UnionBank of the Philippines.
Sa kanilang MktsFocUs report, sinabi ng bangko na posibleng mag-trade ang piso sa pagitan ng 59.30 hanggang 59.70 kada dolyar ngayong linggo, at nananatiling “persistently weak” ang sentimyento ng merkado.
Ayon sa UnionBank, ang lumalawak na isyu ng korapsyon sa bansa ay nananatiling “structural handicap” ng piso, habang ang tumitinding geopolitical risks sa abroad ay nagpapataas ng volatility.
Dagdag pa rito ang pangamba na maaaring magpatuloy ang pagbagal ng ekonomiya at magresulta sa karagdagang interest rate cuts ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na nagpapababa sa interes ng foreign investors sa lokal na assets.
Noong nakaraang linggo, lalo pang napresyur ang piso dahil sa tumitinding tensyon sa Iran na nagtulak pataas sa presyo ng langis at ginto.
Noong Huwebes, nagsara ang piso sa 59.46:$1, mas mahina kaysa sa dating rekord na 59.44:$1, bunsod ng inaasahang pagpapanatili ng interest rates ng US Federal Reserve at paglipat ng kapital sa mas ligtas na investments.
Ayon kay BSP Gov. Eli Remolona Jr., maaaring magtapos ang easing cycle sa isa pang rate cut, posibleng sa Pebrero, maliban kung may “bad surprises.”
Gayunman, sinabi ng UnionBank na mananatiling pabigat sa piso ang isyu ng pamamahala at global risks, at tinukoy ang 59.50:$1 bilang susunod na resistance level.










