TUGUEGARAO CITY-Wala pa umanong natatanggap na anumang tulong o ayuda mula sa gobyerno ang grupo ng mga drivers at operators ng mga jeepney sa buong region 02 mula noong itinigil ang pasada dahil sa banta ng covid-19.
Ayon kay Nita Bautista , coordinator ng PISTON-Cagayan Valley, ni piso ay wala pang natatanggap na ayuda ang mga jeepney operators at drivers kung kaya’t labis ang kahirapan na nararanasan ng mga ito.
Aniya, maging ang tulong mula sa “pantawid pasada” program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay wala pang natatanggap ang mga jeepney drivers sa rehiyon.
Ngunit sa kabila nito, sinabi ni Bautista na kahit hindi na ibigay ang ayuda para sa kanila basta ibalik na lamang ang pasada para may pagkakitaan ang mga drivers.
Nakahanda naman ang kanilang grupo na sumunod sa lahat ng mga nakalatag na health protocol para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Hiniling din ni Bautista sa pamahalaan na isantabi muna ang pagtanggal o phaseout sa mga lumang jeepney dahil nahihirapan ang kanilang grupo na bumili ng bago parapara sa modernization program.
Mas lalo aniyang mahihirapan ang mga drivers kung ito ang paiiralin lalo na ngayong panahon ng krisis dahil wala ng ibang pagkakakitaan ang mga ito.
Nabatid na nasa apat hanggang limang libo na drivers at operators ang apektado dahil sa tigil-pasada sa rehiyon.
Umaasa rin si Bautista na magkakaroon ng mass testing sa kanilang hanay para matiyak ang kanilang kalusugan kontra sa nakamamatay na virus.