Kinondena ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON ang pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na itutuloy pa rin nila ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program (PUVMP) sa kabila ng resolusyon ng Senado na humihiling sa pamahalaan na suspindihin muna ang nasabing programa.
Sinabi ni Modesto Fronda ng nasabing grupo na pagpapakita lamang ito na hindi kinikilala ng LTFRB ang Senado.
Kaugnay nito, nagpapasalamat ang PISTON sa nasabing hakbang ng Senado.
Ayon kay Fronda, tama lamang na suspindihin ang nasabing programa dahil sa marami pa ang dapat na pag-aralan dito upang matugunan ang concerns ng mas nakakaraming apektado sa nasabing hakbang.
Kabilang sa mga dapat na sagutin ng LTFRB ay ang maliit pa lang na compliance sa ruta ng mga sumailalim na sa consolidation at ang konsultasyon sa dayuhan sa halip na sa lokal para sa mga minibus na ipinapalit ngayon sa mga traditional jeepney.
Sa katunayan , sinabi ni Fronda na marami nang drivers at kunduktor ang dumudulog na sa Department of Labor and Employment dahil sa hindi naibibigay sa kanilang ang pangakong mga benepisyo sa ilalim ng PUVMP.
Sa reolusyon ng Senado, hinihiling nito na kailangan muna na tugunan ang hinaing ng mga apektadong drivers, unions, mga grupo, at trasport cooperatives upang matiyak ang maayos at inclusive implementation ng PUVMP.