
Sasabayan ng protesta ng grupong PISTON ang pagsisimula ngayong araw ng paghuli sa mga jeepney drivers na hindi nakapag-consolidate ng kanilang public utility vehicles (PUV) sa mga kooperatiba.
Ayon kay Ruben Baylon, Deputy Secretary-General ng Piston na muling igigiit ng grupo sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na labag sa Saligang Batas ang gagawing paghuli dahil may prangkisa pa naman ang mga jeepney operators.
Nanindigan rin ang grupo na tuloy ang kanilang pamamasada sa kabila nang pagturing ng pamahalaan na kolorum ang mga tradisyunal na jeepney na hindi umabot sa April 30 deadline para sa consolidation ng prangkisa ng mga PUV.
Dagdag pa ni Baylon, pinasasagot na ng Supreme court ang LTFRB at Department of Transportation sa inihaing petisyon laban sa PUV Modernization Program kaya hindi maaaring ipatupad ang mandatory na pagtanggal sa prangkisa na sa kasalukuyan ay hawak at ayaw isuko ng karamihan sa mga operators habang dinidinig ang petisyon.




