Patay ang pitong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa naganap na ang engkwentro sa Uson, Masbate.

Sinabi ni 9th Infantry Division (9ID) Public Affairs Office chief Maj. Frank Roldan na nakaharap ng mga tauhan mula sa 2nd Infantry Battalion ang mga miyembro ng NPA at nauwi sa sagupaan na tumagal ng 30 minuto.

Anim sa pitong nasawi ang nakilala sa alyas na Waren, Mayong, Alex, Tata, Ruwel at Rick.

Narekober naman sa encounter site ang apat na M16 rifles, dalawang M203 grenade launchers, isang M14 rifle, isang M653 rifle, isang Bushmaster rifle, personal na gamit at subersibong dokumento.

Ayon kay Roldan, ang pagkasawi ng pitong miyembro ng nasabing rebeldeng grupo ay isang malaking dagok sa hanay ng komunistang grupo sa rehion.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Roldan na patuloy nilang hinihimok ang mga natitirang miyembro ng NPA na magbalik-loob na sa pamahalaan at makatanggap ng mga benepisyo para sa kanilang pagbabagong-buhay.

Samantala, sinuspinde ni Dimasalang Mayor Mac Naga ang pasok sa mga paaralan at trabaho dahil sa naganap na labanan.

Sakop nito ang mga barangay ng San Vicente, Balantay, Buracan, Buenaflor, Mambog, Cabanoyoan, Cabrera at Calabad.