Naghain ng kaso ang Leyte Police Provincial Office (LPPO) laban sa pitong pulis na ikinokonsidera na “persons of interest” sa pagbaril kay confressed drug lord at mayoralty candidate Rolan “Kerwin” Espinosa ng Albuera, Leyte noong April 10.

Sinabi ni Police Col. Dionisio Apas Jr., director ng LPPO na nagsampa sila ng kaso na possession of firearms at paglabag sa Commission on Elections (Comelec) gun ban laban sa nasabing mga pulis sa Provincial Prosecutors Office.

Tumangging kilalanin ni Apas ang mga nasabing pulis habang nakabinbin pa ang imbestigasyon sa mga ito.

Ang kanilang mga ranggo ay colonel, lieutenant colonel, staff sergeant, tatlong corporals, at isang patrolman.

Sinabi ni Apas na ang walong armas na boluntaryong isinuko ng pitong pulis sa mga awtoridad ay hindi rehistrado.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga isinuko ay Mini Uzi, ilang rifles at pistols.

Sinabi ni Apas na walang ibinigay na sagot ang mga nasabing pulis kung bakit may hawak sila na hindi rehistradong mga armas na dapat sana ay nasa misyon sila na magsilbi ng warrant of arrest laban sa isang katao.

Ang nasabing warrant ay hindi para kay Espinosa.

Ayon kay Apas, base sa imbestigasyon ng kanilang forensic unit, ang mga nasabing armas ay may gunpowder residue, na nangangahulugan na ginamit ang mga nasabing baril.

Gayunpaman, walang nakitang gunpowder sa kanilang mga kamay sa pitong pulis.

Ang mga nasabing pulis ay kasalukuyang nasa ilalim ng administrative at restrictive custody sa police headquarters in Palo, Leyte.