Nasa kustodiya ng Albuera Municipal Police Station sa Leyte ang pitong pulis mula sa Ormoc City na nakita sa isang residential compound kasunod ng pagtugis sa umano’y gunman na bumaril kay confessed drug lord Rolan “Kerwin” Espinosa.
Matatandaan na binaril at nasugatan sa kanyang dibdib si Espinosa, 47-anyos, mayoral candidate sa Albuera sa campaign rally sa Barangay Tinag-an noong Huwebes ng hapon.
Nasugatan din ang kanyang running mate, ang kanyang nakababatang kapatid na babae na si Mariel Espinosa, at isang batang babae ang nagtamo ng slight injury.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Brig. Gen. Jean Fajardo, nakita ang pitong pulis sa compound kung saan doon pumunta ang pinaghihinalaan na getaway vehicle ng gunman ni Espinosa.
Ayon kay Fajardo, iniimbestigahan ang mga nasabing pulis kung may kinalaman sila pamamaril kay Espinosa.
Sinabi niya na nagsagawa ng pursuit operation ang mga pulis sa isang “vehicle of interest,” na umano’y umalis sa campaign rally site matapos ang pamamaril kay Espinosa.
Ayon kay Fajardo, nadatnan ang mga pitong pulis na naka-sibilyan.
Dalawa sa kanila ay mga opisyal habang ang lima ay pawang noncommissioned officers.
Idinagdag pa ni Fajardo na dalawang sasakyan ang nadatnan sa nasabing compound, kung saan nadiskubre sa loob ng mga ito ang maraming armas.
Ang bahay kung saan nakita ang mga nasabing pulis ay pagmamay-ari umano ng isang opisyal ng Department of Public Works and Highways.
Samantala, binigyang-diin ni Espinosa na hindi siya aatras sa kanyang kandidatura.