Umabot na sa pitong road networks ang apektado dahil sa pananalasa ng bagyo sa Region 2, kabilang na ang anim na kalsada at isang tulay.

Ayon kay Maricel Asejo, information officer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 2, mula sa pitong naapektuhang road networks ay tatlong kalsada na ang apektado sa Nagtipunan, Dalawa sa Maddela, at Isa sa Solana, Cagayan.

Sa kasalukuyan, apat na kalsada ang one lane passable sa Quirino, partikular sa La Conwap, San Manuel sa Nagtipunan, at dalawang road section sa Maddela.

Ito ay dahil aniya sa mga minor rock fall, kaya’t naglagay na ang DPWH ng mga signage bilang babala sa mga motorista.

Samantala, mayroon rin tatlong kalsada ang hindi madaanan dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig kasama na rito ang Itawes Bridge sa Piat Cagayan, kung saan mayroong alternatibong ruta na maaaring gamitin habang ang iba pang hindi madaanan ay ang road section sa Brgy. La Conwap, Nagtipunan, at Carilucud, Solana.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ibang bahagi naman ng rehiyon ay wala naman umanong naitalang apektadong road networks ngunit patuloy ang ginagawang maintenance ng DPWH sa pagbuo ng mga preventive measures, tulad ng pagpuputol ng mga sobrang sanga ng puno at pagde-clog ng mga kanal upang maiwasan ang aksidente sa kalsada.

Sa ngayon ay wala namang naitalang apektadong kalsada sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.