Tatlong spillway gates pa ang bubuksan sa Magat dam hanggang mamayang 5:00 p.m. mula sa apat na una nang binuksan.

Sinabi ni Engr. Carlo Ablan, division manager ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), na ito ay bunsod ng patuloy na elevation ng water level sa Magat dahil sa mga pag-ulan kahapon sa watershed area ng dam.

Ayon sa kanya, umaabot na ngayon sa 191.87 meters ang Magat water elevation, at posibleng tumaas pa ito sa mga susunod na oras dahil sa malaking volume na pumapasok sa dam na 5,085 habang ang outflow o ang lumalabas ay 1,680.

Sinabi niya na umabot sa mahigit 8,000 ang inflow kahapon na nagbunsod sa halos 10 meters na pagtaas ng water level sa dam.

Ayon kay Ablan, aabot sa 2,950 hanggang 3,000 cms ang pakakawalan na tubig mula sa Magat dam sa pitong gates na bubuksan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na magkakaroon ito ng impact sa Cagayan river basin o sa Buntun sa Tuguegarao City na .5 hanggang one meter na pagtaas.

Idinagdag pa niya aabutin ng 17 hanggang 20 oras o sa madaling araw na bukas makakarating sa ilog Cagayan ang kasalukuyang lumalabas na tubig mula sa Magat dam.

Ayon sa kanya, ang ibang tubig na nakakaapekto ngayon sa pagtaas ng ilog Cagayan ay mula sa mga kabundukan sa Isabela at Nueva Vizcaya.

Ipinaliwanag pa ni Ablan, na walang eksaktong araw o oras kung kailan isasara ang mga spillway gates dahil sa kailangan na ibalanse ang inflow at outflow para hindi nito maabot ang spilling level na 193 meters.