Kinansela ng Court of Appeals Third Division ang piyansa ng anim na akusado sa pagdukot at serious illegal detention sa mga nawawalang sabungero mula sa Manila Arena noong January 2022.
Sa 18 pahinang desisyon, pinagbigyan ng korte ang petition for certiorari ng prosecution, matapos na mapatunayan na ang judge ng Manila RTC Branch 40 ay nagkasala sa grave abuse of discretion matapos na payagan ang petition for bail ng mga akusado.
Ang mga akusado sa kaso ay ang anim na security personnel ng Manila Arena.
Pansamantala silang pinalaya noong December 2023 matapos na maglagak ng piyansa na tig-P3 million.
Ipinag-utos ng National Prosecution Service ang muling pag-aresto sa mga akusado.
Sinabi pa ng Court of Appeals na mali ang trial court nang sabihin na walang deprivation of liberty dahil ang mga biktima ay boluntaryong sumama sa private respondents at hindi umano pumalag ang mga ito o walang ginamit na armas.
Hindi rin binigyan ng bigat ng appellate ang pagbawi ng mga testigo sa kanilang mga salaysay.
Binigyang-diin ng CA na hindi mapagkakatiwalaan ang pagbawi ng testimonya ng mga testigo dahil sa maaaring ginawa ito sa pamamagitan ng iligal na paraan, tulad ng pananakot o pagbibigay ng bayad sa mga ito, o iba pang paraan para makumbinsi ang mga ito.
Idinagdag pa ng CA na ang pagbawi ng mga testigo sa kanilang mga salaysay ay hindi dahil sa pinapabulaanan nila ang kanilang naunang mga pahayag, sa halip ito ay dahil sa stress dahil sa testigo sila sa ilalim ng witness protection program ng pulisya.
Naghain naman ng Motion for Reconsideration ang kampo ng mga akusado sa CA.