Sang-ayon si Gerald Valdez, SK chairman ng Brgy. Annafunan east at SK Federation Vice President sa lungsod ng Tuguegarao sa sinabi ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA na ibalik ang Citizen Army Training at ROTC.
Naniniwala si Valdez na makakatulong ang nasabing mga programa upang maikintal sa mga estudyante ang volunteerism at pagtulong sa mga komunidad.
Ayon sa kanya, marami na sa mga kabataan o mga mag-aaral ngayon ang nakakalimutan na ang mga katulad na mga gawain.
Bukod dito, sinabi niya na makakatulong din ito para sa disiplina ng mga mag-aaral dahil sa itinuturo sa CAT at ROTC ang pag-focus sa mga tamang prioridad sa buhay, time management at iba pa na lalong makakahubog sa kanilang pagkatao.
Idinagdag pa niya sa pamamagitan din ng CAT at ROTC ay maisusulong ang pagkakaroon ng good moral ng mga estudyante.
Samantala, sinabi ni Valdez na nasiyahan siya sa mga inihayag sa sona ni Marcos Jr. partikular sa rightsizing sa gobyerno at pagsusulong ng digitalization.
Umaasa siya na gagawin ni pangulong Marcos ang kanyang sinabi sa kanyang SONA para maiangat ang ating bansa.