photo crdeit: PNP-Amulung

TUGUEGARAO CITY Binigyang diin ng pulisya sa bayan ng Amulung na legal ang kanilang naging operasyon laban sa dating kapitan ng barangay Manalo.

Ayon kay Pcapt. Lliwelyn Guzman, hepe ng Pnp-Amulung, naglabas ng search warrant ang korte matapos makitaan ng probable cause ang applikasyon ng PNP na siyang ginamit sa operasyon.

Una rito,sinabi ni Guzman na nakatanggap ang kanilang himpilan ng impormasyon mula sa hindi na binanggit na indibiwal na nag-iingat ng kaukulang baril ang dating kapitan na si Calixto Cabildo.

Nilinaw din nito na hindi itinanim ang mga nasamsam o nakuhang baril na calibre 38 na may limang bala at isang granada sa loob ng kwarto ng suspek.

Iginiit ni Guzman na maayos ang kanilang pagsilbi ng search warrant dahil sinaksihan pa ito ng dalawang barangay kagawad at ang suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung saan nakuha ng suspek ang baril at granada.

Pinabulaanan rin ni Guzman na may kaugnayan sa pagiging opisyal ng suspek sa Anakpawis kung kaya’t siya’y hinuli.

Ito’y matapos sabihin ng suspek na tinamnan siya ng baril dahil hindi umano siya tumugon sa kagustuhan ng mga intel-operatives ng PNP-Cagayan na dalawang beses na kumausap sa kanya na sumuko sa gobyerno.

Pinaghihilaan umano kasing tagasuporta ng makakaliwang grupo ang dating kapitan ngunit iginiit ni Guzman na hinuli si Cabildo dahil sa pag-iingat ng hindi lisensyadong baril.

Samantala, nanawagan ang karapatan Cagayan valley na palayain ang inarestong dating kapitan dahil legal ang kinaaaniban na grupo at walang ibang layunin kundi isulong ang kapakanan ng mga maliliit na magsasaka laban sa mga mapang-abusong indibidwal