TUGUEGARAO CITY- Limang anggulo ang tinitignang motibo ng kapulisan sa nangyaring pananambang-patay sa dalawang dating alkalde na ngayon ay miembro ng Sanguniang bayan at dalawang empleyado sa bayan ng Lasam, Cagayan.

Ayon kay Pcol. Ariel Quilang, director ng Cagayan-PNP, kabilang sa kanilang inisyal na motibo ay ang pagkakasangkot ni Sangguniang Bayan Member Marjorie Salazar sa pagpatay kay Benjamin Agatep na siyang Municipal Administrator ng Lasam noong nakaraang taon.

Maaari rin umanong may kaugnayan sa pulitika, pagkasali sa pangalan ni Salazar sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte, robbery dahil nawawala ang bag ni Salazar na may lamang hindi nabatid na halaga ng pera dahil kakawithraw lamang umano nito at maaring kagagawan din ito ng mga miembro ng New People’s Army (NPA) dahil sa mga nakitang papel sa lugar na may sulat na “sumampa iti NPA”.

Sinabi ni Quilang na nasa anim na salarin ang gumawa ng pananambang kung saan batay sa kanilang nakitang basyo ng bala ay M16 ang ginamit sa pamamaril.

Dahil dito, patuloy ang ginagawang manhunt operation ng kapulisan kung saan nakalatag na ang mga checkpoint sa mga kalapit na bayan para sa agarang pagkakahuli ng mga salarin.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na nakisakay lamang umano ang isa sa mga biktima na si Sanguniang bayan member Eduardo Asuten sa sasakyan ni Salazar matapos ang kanilang regular session dahil nasira ang sasakyan nito.

Dati na rin umanong nakaabang ang mga suspek na lulan ng Hyundai Accent at puting Toyota Wigo na walang plaka, 60metro mula sa munisipyo at nang mapadaan ang sasakyan ng mga biktima ay dito na sinundan at pinaputukan ng baril.

Nagawa pa umanong patakbuhin ng driver ng mga biktima na si John Rey Apil ang kanilang sasakyan ngunit sinundan ito ng mga suspek hanggang sa mapuruhan ang driver at hindi na nagawang makontrol ang manebela hanggang sa bumangga sa bakod kung saan pinaulanan na ng putok ng baril ang sasakyan.

Sinubukang dalhin sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead-on arrival ng mga umasikasong duktor.

Napag-alaman din na ang isa sa mga biktima na si Aiza Manuel, secretary ni Salazar ay bagong panganak lamang kung saan mag-aapat na buwan pa lamang ang kanyang sanggol.

Tinig Pcol. Ariel Quilang