Sunod na tututukan ng Cagayan-PNP ang mga unang napalaya ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law na bigong susuko bago matapos ang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte na ultimatum na matatapos ngayong araw, Setyembre 19,2019.
Ayon kay Police Capt.Sharon Malillin, tagapagsalita ng Cagayan-PNP, isasama sa kanilang “one time big time” operation ang mga bigong susuko preso.
Aniya, mayroong 28 na bilanggo ang unang napalaya sa GCTA sa Cagayan ngunit 19 pa lamang ang sumusuko sa probinsiya.
Sinabi ni Malillin na bagamat nag-ikot na ang kanilang kapulisan para sabihan ang mga preso na sumuko, may ilan sa mga ito na wala sakanilang tahanan at sa ibang lugar na naninirahan.
Kaugnay nito, nanawagan si Malillin sa mga preso na sumuko na sa mga otoridad bago matapos ang ultimatum na ibinigay ng pangulo.
Samantala, inihayag ni Malillin na ginagawa ng weekly ang kanilang “one time big time” operation sa Cagayan.
Sa linggong ito, dalawang most wanted ang kanilang nahuli, dalawang search warrant rin ang inimplementa habang 33 iba’t-ibang klase ng baril ang isinuko sa kanilang Oplan Katok.
Ayon kay Malillin, agad na ibibigay ng kanilang hanay ang mga isinukong baril sa mga nagmamay-ari nito kung maipoproseso nito ang permit at License To Own and Possess Firearm.