Nakapagtala ang pnp cagayan ng anim na aksidente sa kalsada kasabay ng pagsalubong ng bagong taon sa buong lalawigan ng Cagayan.
Batay sa ulat ng Provincial Investigation and Detective Management Unit, ang mga insidente sa kalsada ay naganap mula Disyembre 31, 2024 hanggang Enero 1, 2025 kng saan mabilis na rirespondehan ng mga emergency teams at dinala ang mga biktima sa mga ospital para sa agarang paggamot.
Karamihan sa mga insidente ay kinasasangkutan ng mga kabataang motorista at mga driver na pinaghihinalaang nasa ilalim ng impluwensiya ng nakakalasing na inumin.
Ayon kay PCOL Mardito Anguluan, Provincial Director ang mga insidenteng ito ay nagsisilbing paalala sa lahat ng motorista, lalo na ang mga kabataan, na maging maingat at responsable sa kalsada.
Aniya, mahalaga ang pagsunod sa mga alituntunin ng kaligtasan tulad ng tamang signal at tamang bilis ng pagmamaneho habang ang mga awtoridad ay patuloy na nagsasagawa ng mas mahigpit na regulasyon laban sa pag-inom ng alak habang nagmamaneho upang mapabuti ang kaligtasan sa kalsada.
Sinabi pa ni Angoluan na sa tulong ng bawat isa, umaasa sila na mas magiging ligtas ang mga kalsada sa hinaharap.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging responsable sa kalsada, lalo na sa panahon ng selebrasyon dahil ayon sa knya ay ang mga aksidente sa kalsada ay madalas na sanhi ng hindi pagiging maingat at kakulangan ng tamang kaalaman sa mga alituntunin sa kaligtasan.
Dagdag pa ng pnp director na nawa’y magsilbing aral ang mga pangyayaring ito upang mas lalo pa nating mapabuti ang ating kaligtasan sa kalsada.