TUGUEGARAO CITY- Ipinag-utos na ni PNP Chief General Guillermo Eleazar kay Police Regional Office 2, Director PBGEN Steve Ludan na umpisahan na ang proceso ng kasong administratibong isasampa laban sa pulis na nangikil sa pamilya ng drug suspek sa Cauayan City, Isabela.

Sa inilabas na pahayag ni Eleazar, ito ay upang tuluyan ng matanggal sa serbisyo si PMSGT Sherwin Gamit, 38 anyos, may-asawa, warrant server ng Cauayan City Police Station dahil sa kalokohan nito.

Sinabi niya na kabila ng paulit-ulit na babala sa hanay ng pulisya may mga pulis pa rin ang nananamantala kaya’t dapat na masibak ang mga ito sa serbisyo upang malinis ang kanilang hanay.

Una rito ay huli sa ikinasang entrapment operation si Gamit sa Brgy. District 3, Cauayan City kung saan hiningan umano nito ng P300k si Vanessa Velasquez, kapatid ng nahuling drug suspek kapalit nang pagsasaayos nito sa kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay PLTCOL Andree Abella, tagapagsalita ng PRO2, sinampahan na rin ng kasong roberry extortion at paglabag sa RA 10591 o pag-iingat ng hindi lisenysadong baril ang pulis habang patuloy na inaalam kung may mga kasamahan pa ito at iba pang mga nabiktima.

Narekober aniya sa pag-iingat nito ang ginamit na boodle money, iba’t-ibang IDs, ATM card, at hindi lisensyadong baril.

Ang nasabing operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Regional Integrity Monitoring Enforcement team (RIMET) ng PRO2 katuwang ang Isabela Provincial Intelligence Unit at Cauayan City PNP.