Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil sa kapulisan na itigil ang moonlighting o pagraket o sideline habang nasa serbisyo.
Ayon sa PNP chief, inisyu niya ang naturang direktiba upang garantiyang handang tumugon nang mabilis ang lahat ng pulis sa mga reklamo ng mga mamamayan at emergency.
Tungkulin din aniya ng pambansang pulisya na tiyakin ang kaligtasan ng ating mga mamamayan.
Ang pulisya ay dapat na maging handa sa lahat ng oras upang tugunan ang mga pangangailangan at alalahanin ng publiko.
Saad pa ng opisyal na sa pamamagitan ng pagbabawal sa moonlighting, pinatitibay nito ang kanilang pangako para sa mabilis at mahusay na pagtugon sa anumang sitwasyon.
Ginawa ng PNP chief ang naturang direktiba kasunod ng ilang mga insidente ng moonlighting sa hanay ng pulisya kabilang ang naiulat kamakailan na 4 na miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team na nagbigay umano ng security service sa isang pribadong event sa Pasig City.
Ang impormasyong ito ay ibinunyag ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr.
Ang apat ay tinanggal na sa kanilang puwesto kasunod ng imbestigasyon ng Eastern Police District.
Samantala, nauna nang sinabi ng PNP na plano nitong bumuo ng isang special team na nakatuon sa pagpigil sa hindi awtorisadong paggamit ng mga sasakyan ng PNP at naatasan ding subaybayan ang mga opisyal at tauhan na nakikibahagi sa moonlighting.