Personal na nagtungo ngayong araw sa bayan ng Rizal, Cagayan si PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil upang alamin ang estado ng imbestigasyon kaugnay sa pamamaslang kay Mayor Joel Ruma noong gabi ng April 23.

Sa isinagawang conference sa Rizal Police Office, inatasan ni Gen. Marbil ang mga miyembro ng Special Investigation Task Group na bilisan at palalimin ang imbestigasyon.

Kumpiyansa din ang opisyal na sa pamamagitan ng masusing pagtutok ng kapulisan, agad na mareresolba ang krimen.

Kasabay nito, iniutos rin ng Chief PNP ang mas pinaigting na police visibility sa mga lugar na itinuturing na election hotspots.

Aniya, mahalagang mapanatili ang seguridad at kapanatagan ng publiko ngayong panahon ng halalan.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa pagbisita sa himpilan ng Rizal Police Office, nagtungo rin si Gen. Marbil sa mismong pinangyarihan ng krimen sa Barangay Illuru Sur, at sa burol ng yumaong alkalde, kung saan nagpaabot siya ng pakikiramay sa pamilya Ruma.

Kasama sa pagbisita ng Chief PNP sina PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr., PLTGEN Robert Rodriguez, PBGEN Antonio Marallag Jr. ng PRO2, at PCOL Mardito Anguluan ng Cagayan PPO.

Samantala, nagpapatuloy ang pangangalap ng SITG ng mga ebidensyang makatutulong sa kaso, gaya ng CCTV footage at testimonya ng mga saksi.

Tinitiyak naman ng grupo na maayos na mahahawakan ang mga ebidensyang ito para sa posibleng pagsasampa ng kaso.