Sinibak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Philippine National Police (PNP) chief Police General Nicolas Torre III.

Kinumpirma ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Ipinag-utos ni Marcos na tanggalin sa kanyang posisyon bilang PNP chief si Torre, batay sa dokumento na may petsang August 25.

Si Torre na itinalaga ni Marcos noong buwan ng Mayo ay halos tatlong buwan pa lamang sa kanyang puwesto.

Siya ang police general na nasa likod ng high-profile arrests kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong buwan ng Marso, at kay Pastor Apollo Quiboloy noong September 2024.

-- ADVERTISEMENT --

Si Torre, ang ikaapat na PNP chief ni Marcos ang isa sa may pinakamaigsing termino sa mga naging hepe ng PNP.

Kulang lang ng tatlong araw para maabot niya ang tatlong buwan bilang PNP chief.

Si Torre ang kauna-unahang PNP chief na mula sa PNP Academy.

Bago siya naging PNP chief, nagsilbi siya na director ng Criminal Investigation and Detection Group.

Nagsilbi din siyang police chief ng Davao Region at Quezon City Police District Director.

Bago ang pagsibak kay Torre bilang PNP chief, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng PNP at kanyang administrative boss, ang National Police Commission (Napolcom).

Una rito, kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government at Napolcom chairperson Juanito Victor “Jonvic” Remulla, na tinaggihan niya ang ibang inaprubahang reassignment na ipinatupad ni Torre.

Kinumpirma rin ng Napolcom sa pamamagitan ni Remulla ang inilabas na memorandum na nagsasabing lahat ng appointments at assignments ng level three officer, mula police colonels hanggang police generals ay kailangan na dumaan sa pag-aaral ng Napolcom.

Samantala, sinabi ni Remulla na pinalitan ni Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. si Torre bilang PNP chief.

Matatandaan na itatalaga sana si Nartatez bilang commander ng Western Mindanao na tinututulan ng Napolcom.