Nahaharap ang isang police brigadier general ng reklamong administratibo dahil sa less grave neglect of duty at conduct unbecoming of a police officer, ayon sa National Police Commission (NAPOLCOM). 

Sa statement, sinabi ni NAPOLCOM vice chairperson and executive officer Rafael Vicente Calinisan, nag-ugat ang reklamo mula sa dalawang insidente.

Una, sinabi ni Calinisan, nabigong isumite ni Police Brigadier General Jezebel Imelda Medina, bilang Health Service director ang kailangang psychiatric and psychological examination (PPE) report ng isang pulis sa Quezon City.

Inatasan ang police patrolman na sumailalim sa psychiatric and psychological assessment dahil sa akusasyon na sangkot siya seditious vlogging activities.

Pangalawa, tinukoy ni Calinisan ang umano’y public display ni Medina ng mamahaling sapatos na nagkakahalaga ng P70,599 habang suot ang uniporme ng PNP.

-- ADVERTISEMENT --

Ang nasabing halaga ay halos katumbas ng isang buwang sahod ng isang police brigadier general.

Para sa NAPOLCOM, ang integridad, disiplina, at masunurin sa lawful authority ay hindi optional dahil ang mga ito ay fundamental duties na utang nila sa mga mamamayan.

Binigyang-diin ni Calinisan na ang kaso ay patunay na hindi kinokonsinti o pinagtatakpan ang pananagutan ng mga matataas na opisyal ng PNP, dahil lahat ng mga reklamo laban sa mga ito na nakakabawas sa tiwala ng publiko sa PNP ay iimbestigahan at tutugunan batay sa mga umiiral na batas.