Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na handa silang ipatupad ang arrest warrant laban kay dating Congressman Zaldy Co na sangkot sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y katiwalian sa flood control projects.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni PNP acting Chief Lt. General Melencio Nartatez Jr., na patuloy ang koordinasyon ng PNP sa iba’t ibang international partners at stakeholders, kabilang ang Interpol, upang matukoy ang eksaktong kinaroroonan ni Co at maisakatuparan ang pag-aresto sa kanya sa paraang naaayon sa due process.

Ipinunto pa ni Nartatez na umaandar ang mga memorandum of agreement ng PNP sa mga international partners para sa implementasyon ng warrant of arrest, at agad itong ipatutupad sakaling matukoy ang lokasyon ng akusado.

Sa ngayon, aminado ang PNP na wala pa silang kumpirmadong impormasyon hinggil sa eksaktong kinaroroonan ni Zaldy Co.

Una nang sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla kahapon na pinaniniwalaang nasa Portugal si Co, dahil may hawak umano itong Portuguese passport.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kinumpirma rin ng PNP na isinasama sa kanilang international coordination ang pagpapauwi kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque.