
Nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police (PNP) para magbigay ng technical support sa posibleng forensic audit sa tinaguriang ‘Cabral Files’, ang mga dokumentong mula kay dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral .
Kung saan ang nasabing mga dokumento ay naging pangunahing isyu sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga anomalya sa flood controls.
Kaugnay nito, pinastandby ni Acting PNP Chief Lt. General Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP Anti-Cybercrime Group para masiguro ang kahandaan sa anumang pormal na kahilingan para sa technical assistance o sa pagsasagawa ng forensic audit.
Matatandaan na nauna nang nabanggit ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Dizon na suportado nya ang paglabas ng nasabing dokumento na kinompile ng dating usec.
Kung saan binigyang-diin nya na kailangang magundergo muna sa forensic audit ang mga ito kabilang na ang computer ni Cabral.
Ayon naman kay Nartatez, makakatulong ang forensic audit para matukoy ang authenticity at ang integridad ng nasabing mga dokumento.
Samantala, ayon pa kay Nartatez sakaling kinailangan na ang tulong mula sa PNP ay makikipagugnayan agad ang ahensya habang mahigpit na sinusunod ang standard operating procedures at ang umiiral na mga batas.










