TUGUEGARAO CITY-Handang-handa na ang Philippine National Police- Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa ipatutupad na contingency measure ngayong Undas.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ. Rey Sales ng PNP-HPG Cagayan na nakipag-ugnayan na ang kanilang hanay sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga force multipliers para sa seguridad ng mga motorista.

Bagamat kulang ang kanilang bilang, tiniyak ni Sales na ang 12 HPG riders sa lalawigan ay nakadeploy bilang road safety marshals na nakabase sa ibat-ibang motorist assistance centers sa mga sementeryo lalo na sa Tuguegarao City.

Kasabay nito, pinalalahanan ni Sales ang mga nakamotorsiklo na siguraduhing nakasuot ng helmet, nakarehistro ang motorsiklo at may lisensiya ang nagmamaneho.

-- ADVERTISEMENT --

Siguraduhin ding nakaparada ang mga motorsiklo sa matao at ligtas na lugar at kung maaari ay lagyan ito ng padlock o ikadena.

Sinabi pa ni Sales na 24/7 ang kanilang pagbabantay upang ipatupad ang anti-carnapping law at magbantay sa daloy ng trapiko.