
Itinalaga si Rommel Batangan, Deputy Director for Administration ng Police Regional Office Central Luzon (PRO 3), bilang bagong acting director ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG).
Ang pagtatalaga ay alinsunod sa utos ni Jose Melencio Nartatez Jr., hepe ng Philippine National Police, na may petsang Marso 25 at inilabas ng PNP Directorate for Personnel and Records Management ngayong araw.
Papalitan ni Batangan si PBGEN Jessie Tamayao, na nagbitiw sa kanyang posisyon noong Miyerkules matapos siyang akusahan ng sexual harassment ng isa niyang tauhan.
Nagsampa ng kasong administratibo ang biktima laban kay Tamayao sa National Police Commission (Napolcom) noong Martes.
Sa kanyang pahayag, itinanggi ni Tamayao ang mga paratang laban sa kanya, ngunit sinabi niyang pinili niyang bumaba sa puwesto upang magbigay-daan sa isang patas at walang kinikilingang imbestigasyon.
Batay sa inilabas na report ng National Police Commission, nahaharap sa reklamong administratibo si Tamayao matapos akusahan ng isang babaeng pulis ng sexual harassment.
Sa sinumpaang salaysay na isinumite sa NAPOLCOM, inilahad ang umano’y hindi angkop na paglapit, pisikal na paghawak, pananakot ng reassignment at pag-access sa kanyang cellphone nang walang pahintulot.
Dahil dito, hinihiling ng complainant ang kanyang pagtanggal sa serbisyo dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Sexual Harassment Act at Data Privacy Act.
Matatandaan na itinalaga si Tamayao bilang bagong hepe ng Highway Patrol Group kamakailan lang.
Dati siyang executive officer ng Directorate for Police Community Relations at tubong Tuguegarao City.









