Wala umanong Philippine Offshore Gaming Operators o Pogo dito sa lalawigan ng Cagayan partikular sa Cagayan Economic Zone Authority o CESA.

Sinabi ni PBGEN Christopher Birung, director ng PNP Region 2, sa kanilang pagsasagawa ng inspection sa CEZA kasama ang ilang opisyal nito ay wala silang nakitang Pogo.

Ayon sa kanya, ang mayroon sa CEZA ay interactive gaming support service provider o facilitator ng players na walang tinatanggap na taya.

Gayonman, sinabi ni Birung na inatasan niya ang lahat ng PNP stations sa rehion na magmonitor sa kanilang mga nasasakupan para sa mga posibleng patagong Pogo.

Umapela din siya sa publiko na ipagbigay-alam sa pulisya kung may maoobserbahan sila na kahinahinala ang mga ginagawa sa isang residential o mga gusali para sa validation at kaukulang aksiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Birung na inaalam na nila kung sino ang mga sangkot sa mga natagpuang apat na floating shabu sa lalawigan nitong huling linggo ng Hulyo at unang linggo ng Agosto sa mga dagat ng Aparri, Calayan, Sanchez Mira at Abulug.

Kaugnay nito, sinabi ni Birung na umaabot sa P27m na halaga ng shabu at P33m na halaga ng marijuana ang kanilang nakumpiska sa 1,137 operations at 1, 377 na personalities ang nahuli mula June 2022 hanggang June 2024.