Iiwas muna umano ang Philippine National Police (PNP) sa magarbong Christmas parties para sa holiday season ngayong 2024 sa halip ay gamitin ang pondo sa mga lugar na tinamaan ng sunod-sunod na bagyo.
Una rito, nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa government agencies na iwasan ang magarbong Christmas parties bilang pakikiisa sa mga mamamayan na naaapektohan ng mga bagyo.
Sinabi ni Director Maj. Gen. Roderick Alba, head ng PNP Directorate for Police Community Relations (DPCR), na buhat noon ay hindi naman umani prayoridad ng PNP ang selebrasyon, dahil habang nagdiriwang ang marami, abala naman ang mga pulis sa pagbabantay sa mga komunidad at mga lansangan sa holiday season.
Ayon sa kanya, ipapaubaya ng pamunuan ng PNP sa regional directors at heads ng national support units na magpasiya kung ano ang selebrasyon na naaayon para sa kanila subalit, iginiit niya na malinaw ang tagubilin na gawin lamang itong simple.
Ang apela na iwasan ang mga magarbong parties ay bunsod ng anim na sunod-sunod na bagyo na tumama at nakapinsla sa ating bansa.
Ang mga nasabing bagyo ay ang super typhoon Pepito, super typhoon Ofel, at bagyong Nika ngayong buwan ng Nobyembre, at bagyong Leon at Kristine nitong buwan ng Oktubre.