Aminado ang Philippine National Police (PNP) na malaking hamon para sa kanila ang pagsubaybay sa ransom money na ginagamit sa mga kaso ng kidnapping, lalo na kung ito ay ibinabayad sa pamamagitan ng cryptocurrency at online platforms.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, hindi lang ito isyu sa kaso ng Chinese steel magnate na si Anson Que, kundi maging sa iba pang insidente ng pagdukot na sangkot ang mga Chinese national.
Paliwanag ni Fajardo, mahirap sundan ang daloy ng pera kapag crypto na ang gamit dahil kailangang dumaan muna sa legal na proseso gaya ng pagkuha ng search warrant bago masilip ang mga transaksyon.
Dagdag pa ni Fajardo na dahil sa komplikadong prosesong nito, mas nagiging mahirap ang pagkalap ng ebidensiyang maaaring gamitin sa korte.
Samantala, naniniwala rin ang PNP na maingat na pinag-aaralan ng mga kidnapper ang kanilang mga biktima bago isagawa ang krimen. Kabilang sa mga tinitingnan ng mga suspek ay ang case build-up o profiling, pati na rin ang kakayahang pinansyal ng biktima, na siyang nagiging basehan ng halagang hinihinging ransom.