
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na natukoy na nila ang indibidwal sa likod ng umano’y pekeng at mapanirang Facebook post laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon sa PNP, natukoy ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pagkakakilanlan ng babae mula sa Mindanao na siyang responsable sa nasabing post. Inalis na rin ang naturang post mula sa social media.
Kasalukuyan nang inihahanda ng CIDG ang subpoena upang ipatawag ang nasabing babae at bigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag.
Ang kontrobersyal na post ay nagsasaad ng maling impormasyon na umano’y nananawagan ang pansamantalang PNP chief na huwag sundin ang mga kautusan ng pangulo—bagay na agad pinabulaanan ng PNP.
Tinawag ito ng ahensya bilang peke, gawa-gawa, at layuning maghasik ng kalituhan at siraan ang institusyon.
Hinikayat ng PNP ang publiko na suriin ang mga impormasyon at umasa lamang sa opisyal na mga pahayag upang maiwasan ang pagpapalaganap ng maling balita.
Patuloy umano silang magseserbisyo nang tapat at hindi matitinag sa harap ng mga tangkang pahinain ang kredibilidad ng kapulisan.