
Nanawagan ang mga awtoridad ng Rizal, Kalinga sa publiko, lalo na sa mga kabataan, na iwasan ang pang-aasar o pagsisimula ng gulo at panatilihin ang pagiging kalmado upang maiwasan ang pananakit at pagkasira ng ari-arian.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng insidente ng rambol sa pagitan ng dalawang grupo ng mga kabataang may edad 17 hanggang 30 kahapon ng gabi, Marso 26, sa loob ng Municipal Hall Compound sa Liwan West.
Ayon kay Police Executive Master Seargent Johny Dangiw ng PNP Rizal Kalinga, nabatid sa mga otoridad na nagresponde sa komosyon na nag-ugat ang away matapos umanong batuhin ng isang grupo ang sasakyan ng kabilang panig sa kasagsagan ng mga aktibidad kaugnay sa pista ng bayan.
Wala namang naiulat na grabeng nasaktan sa pitong indibidwal na sangkot sa insidente.
Dahil sa insidente, muling pinaalalahanan ng pulisya ang publiko, partikular ang kabataan, na huwag hayaang manaig ang emosyon sa gitna ng hindi pagkakaunawaan upang maiwasan ang pananakit at pagkasira ng ari-arian.