
Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makipagtulungan sa mga awtoridad para sa maayos at mapayapang pagpapatupad ng arrest warrant laban sa kanya.
Ayon kay PNP chief Gen. Nicolas Torre III, inaasahan nilang igagalang ni Dela Rosa bilang dating hepe ng pambansang pulisya ang tungkulin ng mga law enforcer na ipatupad ang batas.
Sinabi rin ng PNP na patuloy ang operasyon ng kanilang tracker teams, katuwang ang Department of Justice at National Bureau of Investigation, upang matunton at maaresto ang senador kaugnay ng warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Binigyang-diin ni Torre na paiiralin ng pulisya ang maximum restraint at iiwas sa anumang hindi kinakailangang tensyon sa oras na matagpuan si Dela Rosa.
Nahaharap si Dela Rosa sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong siya pa ang hepe ng PNP mula 2016 hanggang 2018.
Patuloy namang kinukuwestiyon ng kampo ng senador ang bisa ng ICC warrant sa bansa.









