TUGUEGARAO CITY-Nakatanggap umano ng text message ang himpilan ng PNP-Lasam mula kay Police master Sergeant Jovelyn Camangeg, ang pulis na nawawala pa mula noong Pebrero 18, 2021.

Ayon kay Pmajor Reynaldo Viernes, bagong hepe ng PNP-Lasam, ipinaabot umano ng nagbigay ng mensahe na nagpakilalang si Camangeg na siya’y nasa mabuting kalagayan at kasalukuyan siyang nasa kalakhang Maynila.

Humihingi rin umano siya ng pang-unawa at nakiusap sa kanyang mga kapatid na sila muna ang mag-alaga sa kanyang mga anak.

Sinabi ni Viernes na sinubukan nilang tinawagan ang numero ngunit hindi nito sinasagot ang tawag hanggang sa hindi na ito makontak.

Agad namang ipinagbigay-alam ng kapulisan sa pamilya ni Camangeg ang naturang mensahe ngunit hindi umano naniniwala ang kapatid nito dahil hindi ganoon ang pagtext ni CAmangeg at mas gusto nito ang tumawag kaysa sa magtext.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, isiniwalat naman ng hindi na pinangalanang matalik na kaibigan ni CAmangeg na bago nawala ang kaibigan ay nakapagsampa ito ng hindi na binanggit na kaso sa ombudsman laban sa kanyang dating asawa kung saan pinayuhan ng kanyang abogado na huwag na munang lumabas.

Dahil dito, agad nilang kinontak ang kanyang dating asawa na ngayon ay nasa Davao at nakatakda namang umuwi sa probinsya kung tuloy-tuloy na ang pagluwag sa community restrictions sa bansa.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya kung saan kanila ng pinag-aaralan ang mga cctv footages na maaring dinaanan ng biktima.

Sa ngayon, sinabi ni Viernes na nag-ambag-ambag ang kanilang mga miembro para may maibigay na tulong sa mga anak ng biktima habang patuloy ang kanilang paghahanap kay CAmangeg.

Matatandaan, Pebrero 18, 2021 nang mapaulat na nawawala si Camangeg matapos magpaalam na pupunta dito sa lungsod ng Tuguegarao lulan ng kanyang sasakyan para asikasuhin ang kanyang loan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa umuuwi.