Bibigyang seguridad ng Philippine National Police ang pangangampanya ng mga kandidato sa Abra kasunod ng mga serye ng karahasan kaugnay sa eleksyon na naitala sa naturang lalawigan.

Ayon kay PLtCol. Daniel Pel-ey, tagapagsalita ng Abra Police Provincial Office, tanging pagbibigay seguridad lamang sa mga lugar na pupuntahan ng mga kandidato ang magiging papel ng mga pulis.

Magiging katuwang ng mga local police sa pagbabantay ang augmentation force mula sa Regional at Provincial Mobile Force Company at humiling na rin sila ng mga karagdagang mobile patrol.

Samantala, sinabi ni Pel-ey na patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pang-walong suspected election related incidents na ikinasawi ng isang Brgy Chairman at isang kandidato sa pagka-konsehal habang nangangampanya sa Brgy Nagtupacan, Lagangilang.

Sa ngayon, kasama na ang bayan ng Lagangilang sa tinututukan ng PNP, kabilang ang Pilar, Bangued, Mucay at Tayum.

-- ADVERTISEMENT --