Magde-deploy ang Philippine National Police ng mahigit 70,000 pulis sa mga pangunahing simbahan at karatig-lugar sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng siyam na araw na Simbang Gabi o Misa de Aguinaldo.

Paiigtingin ng PNP ang foot patrols, checkpoints, at mobile patrol units sa paligid ng mga simbahan. Palalakasin din ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, mga opisyal ng barangay, at mga awtoridad ng simbahan para sa maayos na crowd control at kahandaan sa anumang emerhensiya.

Tututok ang pulisya sa pag-iwas sa mga insidente ng pagnanakaw, pandurukot, at sa maayos na daloy ng trapiko sa mga lugar na inaasahang dagsa ang mga tao. Babantayan din ang mga posibleng panganib tulad ng sunog at iba pang sakuna.

Hinimok ng PNP ang mga magsisimba na maging mapagmatyag, agad ireport ang kahina-hinalang aktibidad, at sumunod sa mga patakaran sa trapiko.

Ang Simbang Gabi ay gaganapin mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 24 at magtatapos sa Misa de Gallo sa bisperas ng Pasko.

-- ADVERTISEMENT --