Makikipag-ugnayan ang Philippine National Police (PNP) sa mga organizers ng malawakang kilos-protesta sa Setyembre 21 para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa mga lugar na pagdarausan ng aktibidad.

Ayon kay acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bahagi ito ng kanilang general security planning para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng makikilahok.

Sinabi ni Nartatez na lehitimong bahagi ng demokrasya ang pagpoprotesta at dapat itong igalang.

Tiniyak din niya na sapat ang pulis na ipakakalat sa mga lugar ng pagtitipon, habang kasama sa koordinasyon ang pagtiyak na may kaukulang permit mula sa lokal na pamahalaan.

Bagama’t nakahanda ang puwersa ng PNP, hinimok ni Nartatez ang mga lalahok sa kilos-protesta na makipagtulungan sa pulisya para manatiling mapayapa ang aktibidad.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, ayon sa PNP, wala pang indikasyon ng anumang seryosong banta sa naturang protesta.