Mayroon na umanong sinusundang lead ang mga otoridad kaugnay sa nangyaring pagbaril-patay sa mag-live-in partner sa loob ng isang pampasaherong bus sa bayan ng Carranglan, Nueva Ecija.

Sinabi ni PCMSGT Vincent Castañeda ng PNP Carranglan, patuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon upang mapagtibay ang kanilang sinusundan na lead sa nasabing pamamaril para sa gagawing pagtugis sa mga salarin.

Dead on the spot ang dalawa matapos na malapitan silang pinagbabaril ng dalawang salarin habang sila ay natutulog.

Sinabi ni Castañeda na tig-tatlong tama ng baril ang tinamo ng dalawa.

Aniya, dalawang .45 calibre ang ginamit sa pamamaril.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Castañeda, sumakay ang dalawang biktima sa Cauayan City, Isabela habang ang mga gunman ay sumakay sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Idinagdag pa ni Castañeda na binabaybay ng bus ag kahabaan ng Barangay Minalin sa Carranglan nang isagawa ang pamamaril ay nagmamadaling bumaba sa liblib na lugar ng bayan na malapit umano sa ilog.

Sinabi pa niya na nakasuot ng camouflage na shorts ang mga salarin.

Kasunod nito, agad na nagtungo ang bus sa Community Police Assistance Center (COMPAC) sa Brgy. Joson, Carranglan sa lalawigan at iniulat ang insidente.

Nabatid pa mula kay Castañeda na limang taon nang mag-live-in partner ang mga biktima.

Sa ngayon ay nasa punerarya pa ang mga labi ng mga biktima.