
May person of interest na ang pulisya sa nangyaring robbery holdup sa isang babaeng negosyante sa bahagi ng Luna, Apayao road o boundary ng Abulug, Cagayan noong Disyembre nang nakaraang taon.
Ayon kay PMAJ Antonio Palattao, hepe ng PNP-Abulug, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang maisampa na ang kaukulang kaso laban sa dalawang suspek na nakasakay ng motorsiklo.
Natangay ng mga suspek ang P700K na halaga ng pera sa biktimang negosyante mula Apayao na idedeposito sana niya sa bangko sakay ng kanyang kolong-kolong na sinira ng mga suspek bago tumakas.
Dagdag pa ni Palattao, nangangalap pa rin sila ng karagdagang ebidensya tulad ng CCTV footage sa bangko kung saan dalawang beses sa isang Linggo pumupunta ang negosyante para sa kanyang bank transactions.
Posible kasi aniyang minanmanan ng mga suspek ang kilos ng biktima at ang oras ng pagpunta nito sa bangko bago isinagawa ang panghoholdap.










