Naglabas ng babala ang Philippine National Police (PNP) sa mga content creator na gumagawa ng mga prank o scripted na video na may kinalaman sa krimen.

Ayon kay PNP Chief Police General Nicolas Torre III, hindi dapat ginagamit ang social media para magpakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot o kaguluhan sa publiko.

Iginiit niya na kung layunin ng mga vlogger ay libangin ang mga manonood, dapat malinaw na kathang-isip lamang ang kanilang nilalaman.

Ang babala ay kasunod ng isang insidente kung saan isang vlogger na may alyas na “Jaissle” ang inireklamo matapos ipost ang isang viral video ng gulo sa loob ng bus sa Cebu at sabihing ito ay isang insidente ng pagnanakaw.

Ayon sa imbestigasyon ng Police Regional Office 7 (PRO7), ang nasabing insidente ay hindi snatching kundi isang personal na alitan na naganap noong Mayo 8, 2025, sa Yati, Liloan, Cebu.

-- ADVERTISEMENT --

Unang kumalat ang video noong Hulyo 22, 2025, matapos itong ibahagi ng isang radio station mula sa post ng vlogger.

Dahil dito, nahaharap si “Jaissle” sa kasong unlawful use of means of publication at unlawful utterances sa ilalim ng Revised Penal Code, na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

Kung mapapatunayang nagkasala, maaari siyang makulong ng anim hanggang labindalawang taon.

Pinayuhan ng PNP ang publiko, lalo na ang mga nasa social media, na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon upang hindi makasira sa reputasyon ng mga lugar o makapagdulot ng hindi kinakailangang takot sa komunidad.