Nagpakalat ng humigit-kumulang 106,000 pulis sa buong bansa ang Philippine National Police (PNP) sa gitna ng naka-heightened alert na seguridad para sa Araw ng Paggawa, ngayong araw ng Biyernes, Mayo 1.

Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, ipinatupad ang heightened alert noong Huwebes ng gabi at mananatili ito hanggang Sabado bilang paghahanda sa inaasahang malawakang kilos-protesta.

Kinumpirma rin ng PNP na may tatlong grupo na nag-aplay para sa rally permits sa Metro Manila, ngunit hindi inaprubahan dahil hindi itinakdang freedom parks ang mga lugar na pagdadausan ng mga pagkilos.

Bilang karagdagang hakbang, inatasan din ang Civil Disturbance Management units na gumamit ng body-worn cameras upang matiyak ang transparency at maayos na dokumentasyon sa mga kilos-protesta.